Daan-daang boardfeet ng coco lumber, nakumpiska sa Isabela

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2017 06:44 PM

ISABELA - Daan-daang boardfeet ng coco lumber ang nakumpiska mula sa bahay ng isang babae sa bayan ng Echague Martes ng umaga.

Sa bisa ng isang search warrant, pinasok ng awtoridad ang bahay ni Jocelyn Maraddag, 43 taong gulang, sa Barangay Maligaya.

Target ng awtoridad na kumpiskahin ang umano'y nakatagong coco lumber sa bahay ni Maraddag.

Nakita sa likod ng kaniyang bahay ang 45 piraso ng coco lumber na tinatayang nasa 482 boardfeet, na nagkakahalaga umano na P9,640.

Wala si Maraddag sa kanyang bahay nang isilbi ang search warrant.

Alinsunod sa Coconut Preservation Act of 1995, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpuputol ng puno ng niyog ng walang permit o dokumento.

Mahaharap si Maraddag sa reklamong paglabag sa Republic Act 10593 o ang Coconut Protection Act.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.