530 arestado sa 'one-time, big-time' operation sa Taguig City

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2017 03:04 AM

May 530 na indibidwal ang inaresto ng mga pulis sa isang "one-time, big-time" operation sa Taguig City na nagsimula Martes ng gabi.

Ayon sa report ng pulisya, ang pinakamaraming naaresto ay nasa 309 na indibidwal na lumabag sa iba't ibang traffic violations. Tinikitan na lamang ang mga ito at hindi na ikinulong.

Apat naman ang dinala sa presinto matapos makuhanan ng iligal na droga at tatlo naman ang hinainan ng warrant of arrest.

May 68 na menor de edad naman ang dinampot, at 120 ang nahuling nag-iinuman sa kalsada.

Ang operasyon ay bahagi ng kampanya ng PNP upang labanan ang droga at mga krimen sa lugar, at pagpapaigting ng mga ordinansa ng Taguig City. - DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.