Batang lalaki, namatay sa dengue sa Benguet

Angelyn Valencia, ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2016 01:28 PM

Workers from the Department of Health continue their anti-mosquito spraying in residential communities in the capital. The workers deployed in Bgy. Masila in Project 4, Quezon City used a system called ultra-low volume (ULV) space spraying. ABS-CBN News

BENGUET – Isang siyam na taong gulang na batang lalaki ang namatay dahil sa dengue sa La Trinidad, Benguet.

Marami pa sanang pangarap ang pamilya Picpican para sa kanilang panganay na anak na si Hunter, mula sa Tawang, La Trinidad. Pero sa mga ala-ala na lamang maaaring balikan ng amang si Ho-ti ang kanyang anak.

Pumanaw si Hunter alas-3 ng hapon nitong linggo dahil sa dengue.

"Wala na. Marami pa sana kaming gagawin. Malakas naman siya pero nung Saturday sinasabi niya uuwi na raw siya. Tinatanggal na niya yung dextrose niya. Mahilig pa naman siya sa music kasi may beatbox siya pero wala na. Sa kabila ng lahat, ipinagpasa-Diyos na lang namin," sabi ng kanyang ama.

Kwento pa ng ama, masigla naman ang bata pero sadyang hindi kinaya ng murang katawan ang dengue.

"Nag-bleed na siya, tapos nilalagnat. Kung anu-ano na sinasabi niyang masakit sa kanya... nahihilo, nanghihina... bale nagdadasal kami kung ano ang gusto ng Diyos... tapos nung nag-amen kami pumikit na siya... nakalabas na yung puti ng mata niya," dagdag pa ng ama.

Wala naman daw sinisisi ang pamilya pero malaki ang kanilang panghihinayang.

Ikatlo si Hunter sa mga namatay sa La Trinidad, Benguet ngayong taon dahil sa dengue. Nasa 455 na kaso na ng dengue ang naitala sa bayan.

Ayon sa Municipal Health Office, hindi raw sila nagkukulang sa mga paalala.

"We are doing continuous info campaign. We search and destroy breeding grounds for the mosquitoes, kaya lang talagang maraming sites kasi na pwede nila pag-itlugan. Dito kasi sa La Trinidad, maraming mga bottles, plants, tires na hindi napapansin," sabi ni Dr. Editha Francsico.

Para maiwasan ang pagdami ng kaso ng dengue, pinakamabisa pa rin ang pagpapanatili ng kalinisan ng kapaligiran at pagtanggal sa mga pwedeng pamugaran ng lamok. Mainam magsuot ng mahahaba o long sleeves, gumamit ng mosquito net at insect repellent.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.