PatrolPH

Misis ng Abu Sayyaf sub-leader arestado sa Sulu

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2021 03:18 PM

Naaresto ng mga awtoridad nitong Sabado sa Jolo, Sulu ang misis ng isang sub-leader ng Abu Sayyaf Group.

Ayon sa ulat ng Joint Task Force Sulu, nahuli nila ang misis ni ASG sub-commander Mundi Sawadjaan nang salakayin ang isang bahay sa Barangay Bus-Bus, kung saan nakumpiska ang 2 grenade, 2 bote ng ammonium nitrate fuel oil, 2 piraso ng detonating oil, at isang safety fuse.

Ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ang mga awtoridad ng ulat na nasa naturang lugar si Sawadjaan.

Nadatnan din ng mga awtoridad sa bahay ang 4 na bata, na dinala sa Ministry of Social Services and Development.

Nasa kustodiya ng Jolo Municipal Police Station ang babae, na mahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020.

Kilala si Sawadjaan sa paggawa ng mga pampasabog para sa ASG at sinasabing nasa likod ng kambal na pagsabog sa Jolo noong Agosto 2020, na pumatay sa hindi bababa sa 15 tao.

- may ulat ni Queenie Casimiro

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.