Ripple effect sa franchise denial ng ABS-CBN, ramdam ng maliliit at malalaking negosyo

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2020 08:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Dalawampu't-limang taon nang nagtitinda sa harap ng ABS-CBN compound si Illuminada Cos, na may maliit na puwesto sa bangketa sa kahabaan ng Sgt. Esguerra St.

Ang simpleng pagbebenta ng sitsirya, kape, at kung ano-ano pa ang bumuhay sa kaniyang pamilya at utang na loob aniya ito sa mga suki niyang empleyado ng ABS-CBN.

"Ito na talaga yung bumuhay sa pamilya ko. Mga anak ko nakapag-aral at nakabili ako ng lupa sa Pasig yung tinitirahan ko," ani Cos.

Kaya naman, masakit aniya kung ituring ang pagpapasara sa network at ang pagkawala ng trabaho ng mga empleyado nito.

"Masakit din sa'kin kasi ang laki rin ng naitulong sa'kin ng paligid ng ABS, lahat ng problema ko naka-recover ako rito. Napakasakit kasi hindi rin sila naging mahigpit sa amin," ani Cos.

Ngayon, ginagamit na siya lagi sa puwesto pero wala pa rin siyang maiuwing pera na sapat para sa gamot na pang-maintenance ng may sakit niyang asawa.

Ilang buwan na rin kasing naka-work from home ang mga empleyado; idagdag pa ang mga nawalan din ng trabaho sa tigil-ere ng ABS-CBN.

Miyerkoles nang ianunsiyo ng ABS-CBN na magbibitaw sila ng mga empleyado, matapos ibasura ng Kongreso ang aplikasyon ng network giant para sa bagong prangkisa.

Bago nito, natigil sa pag-ere ang network sa free television, alinsunod sa cease and desist order ng National Telecommunications Commission na inilabas nang mapaso ang prangkisa ng network.

Ang 64 anyos na si Felly Rivera, wala nang lakas para ilipat pa ang puwesto ng maliit niyang kainan sa harap ng ABS-CBN compound.

"Kasi marami kasing tao diyan eh, eh ngayon wala na, wala nang tao," ani Rivera.

Sa sari-sari store ni Beth Mante tumatambay ang mga drayber na bumibiyahe para sa network. Pero hindi basta-basta kita ang habol niya kung hindi ang samahan.

"Nakakalungkot po talaga, sila po talaga mga regular customer ko rito,” aniya.

Hindi rin nakaligtas sa epekto ng pagkapatay ng prangkisa ang carwash na nasa Esguerra Ave.

"Mas marami po talaga yung customer namin na taga ABS po Ma’am," ayon sa kahera ng carwash.

Nagsara na rin ang ilang maliliit na kainan sa gilid ng ABS-CBN.

Bukod kasi sa unang lockdown noong Marso, nawala ang pag-asa nilang makapagbukas muli ngayong wala na rin namang customer na pumupunta, lalo't karamihan ay mga nagtatrabaho sa ABS-CBN

Maaapektuhan din ang mga may kontrata sa kompanya, tulad ng contractor na siyang nag-aayos ng mga studyo setup ng mga TV show ng Channel 2.

"Nawalan kami ng trabaho kasi ang pinaka base ng company namin is ABS. Syempre kung walang project, wala rin kaming gagawin, wala rin kaming trabaho," ani Francisco Ramos, studio supervisor ng Dream Weaver Visual Exponents Inc.

Naputol din ang kontrata ng mga van rental dahil wala na rin ang mga taping kaya't ang mga may-ari nito, nangangambang mabaon sa utang.

Ayon sa ekonomistang si Calixto Chikiamco ng Foundation of Economic Freedom, malawak ang epekto ng pagpatay ng prangkisa ng network

Mahalaga kasi aniya ang spending capacity ng taumbayan ngayon na siyang tutulong sa pagbangon ng ekonomiya dahil sa COVID-19 pero ngayon, bawas na rito ang lahat ng empleyado, mga contractor, at pamilya ng lahat ng konektado sa ABS-CBN.

"Malaki ang porsyento ng consumption spending sa ating ekonomiya. Mga close to 70%. Ngayon sa pandemic mayroon nang demand shock kasi marami na ang walang trabaho," ani Chikiamco.

Dagdag pa ni Chikiamco, apektado rin ang pag-export ng Filipino culture sa ibang bansa dahil marami sa mga kanta at pelikula ay galing sa network giant.

Apektado rin ang mga advertising agency sa laki ng TV market ng network at matatakot din aniya ang mga investor na mag-invest sa bansa dahil sa pag-iisip na kapag hindi pabor sa administrasyon ay maaaring ipasara ang isang negosyo.

-- Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.