Militar walang natatanggap na banta sa SONA ni Duterte

Henry Atuelan, ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2020 01:45 PM

Seguridad pina-iigting

MAYNILA - Walang natatanggap na anumang banta ang Armed Forces of the Philippines Joint Task Force (AFP-JTF) NCR sa gaganaping State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa July 27.

Ito ang sinabi sa Radyo Patrol ni AFP-JTF Commander Brigadier General Alex Luna bago pa man mag-umpisa ang dialogue sa pagitan ng mga awtoridad at community leaders bilang bahagi ng preparasyon sa SONA ng pangulo.

Binanggit naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Major General Debold Sinas na 50 opisyal lamang ang makakapasok sa Batasang Pambansa sa araw ng SONA.

Magiging mas mahigpit, aniya, ang seguridad para matiyak na ang mga awtorisado lamang na dadalo ang makakapasok sa okasyon.

“Wala na 'yung usual na maraming opisyales ng gobyerno na mga bisita na p'wedeng papasukin. At dahil lahat tayo ang obligadong magsuot ng facemask ay parang ibang iba na tayo. Hindi na usual kasi nakatakip ang mukha natin," sabi ni Sinas.

"Dito po ay mas lalo naming paiigtingin ang seguridad dahil may ibang tao na kapag nagsuot ng mask ay mahirap nang kilalanin."

"At sa labas ng Kongreso naman, umaasa kami na mas kaunti ang mga nasa kalsada na magpahayag ng kanilang saloobin, sumusuporta man sila o hindi,” sabi ng NCRPO chief.

Sa kasalukuyan, patuloy ang dialogo sa pagitan ng mga awtoridad, kasama ang ibat ibang sangay ng pamahalaan, para matiyak na magiging maayos at payapa ang pang-limang SONA ng pangulo.