Mga pasaherong stranded sa pier sa Maynila, nakabiyahe na pa W. Visayas

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2020 09:04 AM

Nakabiyahe na pa Bacolod at Iloilo nitong Huwebes ang mahigit 1,000 pasaherong na-stranded sa pier sa Maynila nang tatlong linggo. Photo courtesy of Philippine Ports Authority


MAYNILA - Matapos ang higit tatlong linggo, nakasakay na ng barko Huwebes ng gabi pa-Western Visayas ang mahigit isang libong katao na na-stranded sa Manila North Harbor.

Ayon sa Philippine Ports Authority, 1,092 na pasahero ang nasa byahe na papuntang Bacolod at Iloilo ang sakay ng barkong M/V St. Therese of the Child Jesus.

Hindi agad nakauwi ang naturang mga pasahero dahil sa pag-suspinde ng lokal na pamahalaan sa Region 6 sa pagtanggap ng mga LSI o locally stranded individuals, o yung mga taong inabot ng lockdown sa Metro Manila.

Napupuno na kasi ang quarantine facility doon kaya kailangan limitahan muna ang pumasok sa rehiyon na kabilang ang Iloilo at Negros Occidental.

Dahil sa pansamantalang tigil-biyahe, maraming mga pasahero noon ang natulog sa bangketa sa labas ng gate ng pier, at inilipat din sila sa loob ng Terminal para mas komportable sila.

Binigyan ng pagkain at iba pang gamit ang mga na-stranded na pasahero.

Sa ngayon, nasa 174 na lang ang naiwan sa pier para mag-antay ng susunod na mga byahe.