DSWD: Mabusisi umanong encoding nakaantala rin sa pamamahagi ng ika-2 bugso ng SAP

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2020 10:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mabusising pag-encode ng mga datos ng mga benepisyaryo ng ika-2 bugso ng social amelioration program ng Department of Social Welfare and Development ang isa sa mga dahilan sa pagkaantala sa pamamahagi ng cash aid, ayon sa ahensiya. 

Sa huling tala ng Department of Social Welfare and Development, nasa higit 81,000 ang bilang nila ng duplicate na benepisyarto. 

Dapat kasi mula sa isang ahensiya lang makatatanggap ng ayuda ang isang pamilya. 

"'Yun kasing encoding nila pagka hindi nila sinunod yung format, hindi pwedeng made-up yun so kunwari yung birth date, pagka nagkabali-baligtad yun, parang ibang tao na siya. Ang ginawa ng iba binigay yung list, incomplete naman siya," ani DSWD assistant secretary Josephine Niwane. 

Nakatakda sana noong Mayo pa ang ayuda na layong tulungan ang mga pamilyang pinakasapul ng lockdown dala ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. 

Sa ngayon, ayon sa DSWD, nasa 82 porsiyento pa lang ng mga lokal na pamahalaan ang nakapagbigay ng liquidation. 

Sa 17 milyong target beneficiaries nasa 3.2 milyon pa lang ang nabibigyan ng ayuda. 

Pero sabi ng DSWD, target nilang mabigyan ang lahat sa kalagitnaan ng Agosto. -- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.