Diocese ng Bacolod mariing kinondena ang pagkitil sa prangkisa ng ABS-CBN

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2020 02:15 PM

Kinondena ng Diocese of Bacolod ang pag-deny ng House Committee on Legislative Franchises sa aplikasyon ng ABS-CBN para sa isang bagong prangkisa.

Ayon sa pahayag na ipinalabas ni Bacolod Bishop Patricio Buzon, ang naging desisyon ng komite ay bahagi ng serye ng mga hakbang ng kasalukuyang administrasyon sa pagpigil ng mga batikos sa gobyerno.

Isa raw itong paglabag sa right to free speech ng mamamayan at hakbang para patahimikin ang isang malaya at independent press. Itinanggi na ito ng mga mambabatas na bumoto kontra sa prangkisa.

"This act by the House Committee is the latest in a series of insidious attempts by the present administration to quash dissent and to prevent persons and institutions from exercising their right to free speech as well as from benefiting from a free and independent press," ani Buzon.

"With this series of attempts, the Diocese is convinced that our democracy is being imperiled. If left unchallenged, our country can retrogress to tyrannical rule," aniya.

Nananawagan si Buzon sa mga naihalal sa gobyerno na tiyaking para sa ikabubuti at kapakanan ng maraming Pilipino ang bawat desisyon na kanilang gagawin.

Isang Rosary for Democracy ang nakatakdang gagawin sa Bishop's House ng Diocese of Bacolod Sabado ng hapon para ipagdasal ang pagpapatupad ng anti-terror law at susundan naman ito ng pagtunog ng kampana ng simbahan alas sais ng gabi.

Ibinaba ng House Committee on Legislative Franchises ang desisyon nito kontra sa ABS-CBN noong ika-10 ng Hulyo.

Ang news.abs-cbn.com ay ang opisyal na news website ng ABS-CBN Corp.

-- Ulat ni Marty Go, ABS-CBN News