PatrolPH

4 na magkamag-anak sa Bataan, positibo sa COVID-19

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2020 02:02 PM

4 na magkamag-anak sa Bataan, positibo sa COVID-19 1
Inilagay sa 24-hour lockdown ang Sitio Plaza sa Barangay San Isidro sa bayan ng Mariveles sa Bataan matapos na magpositibo ang 4 na magkakamag-anak na residente doon. Larawan mula sa video na kuha ni Bayan Patroller Ryan Jorge

 
Apat na magkakamag-anak ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bayan ng Mariveles sa Bataan. 

Biyernes nang ilagay sa 24-hour lockdown ang Sitio Plaza sa Barangay San Isidro matapos unang magpositibo ng isang 59-anyos na residente doon na nagtatrabaho bilang house painter. 

Sa contact-tracing naman nagpositibo ang 3 pang niyang kaanak. Kaagad silang dinala sa Mariveles District Hospital para i-quarantine. 

Bagaman inalis na ang lockdown Sabado ng madaling araw, patuloy pa rin ang isinasagawang contact-tracing sa mga nakasalamuha ng mga nagpositibong residente. 
 
Nag-disinfect na rin ng buong barangay para maiwasan ang pagkalat ng sakit. 

Sa pinakahuling tala ng Provincial Health Office ng Bataan nitong Hulyo 17, umabot na sa 273 ang confirmed cases ng COVID-19 sa lalawigan kung saan 206 na ang mga gumaling habang pumalo na sa 10 ang mga namatay. 

Kasama ang Bataan sa mga isinailalim sa pinalawig na moderate general community quarantine na probinsya sa Region 3.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.