Umano'y rebelde patay, sundalo sugatan sa bakbakan sa Zamboanga Sibugay

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2019 03:26 PM

ZAMBOANGA CITY - Isang hinihinalang miyembro ng New People's Army ang napaslang habang isang sundalo naman ang sugatan sa engkuwentro sa Zamboanga Sibugay, Miyerkoles.

Hindi pa nakikilala ng mga awtoridad ang napaslang na lalaki.

Ayon sa inisyal na impormasyon, nangyari ang kalahating oras na bakbakan sa isang bahagi ng Barangay Diampak sa bayan ng Kabasalan bandang alas-3 ng hapon.

Nagsimulang magpaputok ng baril ang mga rebelde nang makitang paparating ang mga sundalo sa naturang lugar, ani Lt. Col. Don Templonuevo, commander ng 44th Infantry Batallion.

Pumunta ang tropa sa lugar matapos makatanggap ng impormasyon na may mga armadong grupo na nanghihingi ng pera at pagkain mula sa mga residente, sabi ni Templonuevo.

Nakuha naman mula sa lugar ang isang M-16 rifle, mga bala ng baril at ilang dokumento ng NPA.

- ulat mula kay Leizel Lacastesantos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.