Taxi driver sugatan matapos saksakin ng mga kawatang menor de edad

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2019 12:47 AM

Isang taxi driver ang sugatan matapos saksakin ng ilang kawatang menor de edad sa Barangay Lapasan, Cagayan de Oro City nitong Martes, Hulyo 16. Kuha ng Agora Police Station

CAGAYAN DE ORO - Isang taxi driver ang sugatan matapos saksakin ng ilang kawatang menor de edad sa Barangay Lapasan, Cagayan de Oro City nitong Martes.

Ayon sa tsuper na si Romel Deligos, tatlong lalaki ang nagpanggap na pasahero matapos sumakay sa kaniyang taxi sa CM Recto Avenue pasado alas 3:00 ng madaling araw.

Biglang nagdeklara umano ng holdap ang mga suspek bago tinutukan ng patalim si Deligos. Nanlaban daw ang biktima kaya nasaksak.

"Yung biktima lumaban kaya yung suspek na may hawak na kutsilyo sinaksak yung kanyang likod, sa likod kasi sumakay pati yung ulo at tenga niya nasaksak. Dahil sa insidente nakabig niya yung saksakyan pagilid kaya nabangga ito," ani PMaj. Julius Clark Macariola, hepe ng Agora Police Station.

Nagpapagaling pa sa ospital ang biktima, ayon sa mga awtoridad.

Higit P1000 na kita ng tsuper, kasama ang cellphone ng biktima, ang nakuha ng mga suspek.

Bagamat nangyari ang trahedya, nakuhanan ng dashcam ng taxi ang mga salarin at nahuli ang isa sa mga ito. Ayon sa pulis, dati nang nakasuhan ng murder ang nadakip.

Ayon sa nahuling suspek, lahat sa nangholdap sa tsuper ay mga menor de edad. Aniya, tumakas lang sila mula sa Tahanan ng Kabataan sa Barangay Lumbia kung saan sila naka-kustodiya.

"Napag-usapan lang namin sir na mangholdap matapos kaming uminom at nalasing," ani nahuling menor de edad.

Kakasuhan ng pulisya ng robbery with frustrated murder ang suspek habang pinaghahanap pa ang dalawa nitong kasamahan. - Angelo Andrade, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.