SONASERYE: Aprubado pa rin ba ng bayan ang war on drugs?

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2019 10:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa sa ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatuloy ng madugong "war on drugs" ng gobyerno sa kaniyang State of the Nation Address noong nakaraang taon.

"The illegal drugs war will not be sidelined. Instead, it will be as relentless and chilling, if you will, as on the day it began," ani Duterte sa talumpati.

Pero ano na nga ba ang naging epekto at pananaw tungkol dito ng publiko tatlong taon matapos itong ilunsad?

Ayon sa tala ng PNP, aabot sa 6,600 ang napatay sa war on drugs, samantala 27,000 umano ang naitalang patay ng human rights groups.

Isa sa mga nakasaksi ng umano'y madudugong operasyon kontra droga si alyas "Peter," nang barilin nang manlaban umano ang tatlong drug suspect sa Navotas City noong Hunyo 5.

"'Yung iyak ng 'Mama, tulungan niyo ako, Mama. Nag-aaral ako, sir'. Binaril talaga sa ulo. Kita ko talaga, sumabog yung bungo ng bata, 'yong utak, 'yung dugo. Tulala talaga ako," ani Peter.

Ayon sa police report ng Navotas police, nanlaban umano ang tatlong suspek na sina Arnel Bagamasbad, Jason Villanueva, at Jay-R Jumola. Base sa kanilang death certificate, may mga tama rin umano sila ng bala sa ulo.

Pero ayon kay Peter, nakita niyang binugbog ang tatlong suspek bago barilin ng pulis.

"Patay na 'yong mga tao, wala namang nangyaring barilan, encounter. Sila lang nagpapaputok ng baril," ani Peter.

Hindi naman nagbigay ng pahayag ang Navotas police.

Ilan ito sa mga kuwentong ikinakabahala ng human rights groups.

"Nakita namin nag-tone down sila, mas naging sophisticated, mas naging cautious pero hindi natin sasabihin na tumigil ang patayan kasi tuloy-tuloy pa rin," ani Rose Trajano, secretary-general ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates.

Giit naman ni Philippine National Police spokesperson Bernard Banac na may mga namatay na pulisya para mapatunayang nanlaban ang mga suspek sa war on drugs.

"How many deaths of cops do we need to have to really prove our point na nanlalaban ang mga suspects?" ani Banac.

Ayon kay Banac, may 240,000 drug suspects na ang sumuko. May 119 pulis na nasibak kaugnay ng pagpatay sa mga suspek.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency, may halos P34.75 bilyong halaga ng droga ang nakumpiska.

Sa mga survey naman, mataas ang bilang ng mga sang-ayon sa war on drugs ng Pangulo. Pero napansin na rin ito maging ng international community.

Aabot sa +65 net satisfaction rate ang nakuha ng kampanya ng gobyerno kontra droga, base sa survey na inilabas ng Social Weather Stations noong Hunyo 2018.

Samantala, 88 porsiyento naman ang nagpahayag ng suporta sa war on drugs sa Pulse Asia survey na inilabas noong Setyembre 2017.

Pero napansin na ito, maging ng international community.

Nitong nakaraang linggo, sa botong 18-14-15, (yes-no-abstain) hiningi ng United Nations Human Rights Council ang pagrepaso sa war on drugs sa Pilipinas.

Sa darating na SONA, ang nais marinig ni Peter ay ang pangakong tutugisin ang mga bigating drug lords at ititigil ang umano’y pang-aabuso ng ilang pulis.

"Kung naririnig ako ni Presidente Duterte, ayusin mo disiplina ng pulis. Pag may disiplina ang pulis, may disiplina mamamayan, uunlad ang Pilipinas," ani Peter.

--Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.