Pulis na nanutok at nagpaputok umano ng baril, kalaboso sa Davao

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2019 05:36 AM

DAVAO CITY—Arestado ang isang pulis matapos umanong manutok at magpaputok ng baril sa mga construction worker sa Veloso St., Davao City Miyerkoles ng gabi.

Higit 20 taon nang nasa serbisyo ang pulis na may ranggong Staff Sergeant at nakatalaga sa Foot Patrol Section ng Davao City Police Office.

Kuwento ng mga construction worker, bigla na lang umano silang tinutukan ng baril ng pulis sa harap ng construction site.

Umalis ang pulis, pero bumalik ito hanggang sa magpaputok ng baril.

"Paniwala nila na sila 'yung pinaputukan dahil wala namang iba tao roon," ani Police Maj. Michael Uyanguren, commander ng Sta. Ana police.

Itinanggi naman ng pulis na tinutukan niya ng baril ang mga construction worker. Aksidente lang din umanong pumutok ang kaniyang baril.

"Pagbunot ko ng baril, aksidente lang itong pumutok. Hindi ko rin sila tinutukan," aniya.

Kinumpiska na ang isyung kalibre .45 na baril sa pulis na nakulong ngayon sa Sta. Ana police. Mahaharap siya sa mga kasong administratibo at kriminal.—Ulat ni Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.