Magulang ng sanggol na ginahasa at pinatay, nananawagan ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2019 08:26 PM | Updated as of Jul 18 2019 11:14 PM

MAYNILA—Nakaburol na ngayong Huwebes sa bangketa ng Barangay La Paz, Makati City ang labi ni "Mark," ang 1-anyos sanggol na ginahasa at pinatay ng isang trabahador noong Martes. 

Ayon sa mga magulang ng biktima, pinahintulutan lamang silang paglamayan ang bata kahit di pa sila bayad ng P36,000 na singil ng punerarya.

Pero anila, hindi nila maililibing ang sanggol hangga't hindi bayad ang utang. 

Dahil dito ay humihingi ng tulong-pinansiyal ang mga magulang ng paslit para mairaos ang libing nito. 

Kasalukuyang nakatira at inookupa ng pamilya ni Mark at iba pang informal settlers ang isang abandonadong gusali sa Makati City. 

Sabi naman ni Police Col. Rogelio Pablo Simon, hepe ng Makati City police, sila mismo ay makikipag-ugnayan sa Makati Social Welfare and Development Office upang mabigyan ng ayuda ang nagluluksang pamilya. 

Sa mga nais namang magbigay ng tulong, maaaring magtungo sa burol ng bata sa Davila Street malapit sa Metropolitan Avenue, Barangay La Paz, Makati City. — Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.