Mag-live-in partner, 4 iba tiklo sa Pasay buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2019 04:39 AM

MAYNILA—Arestado ang mag-live-in parter at 4 na iba pa sa buy-bust operation sa Maricaban, Pasay City Miyerkoles ng gabi.

Nakumpiska sa mga suspek ang 6 na sachet ng hinihinalang shabu.

Ayon kay Police Senior Sgt. Jerry Hernandez ng Pasay City police, target ng operasyon ang mag-live-in partner na sina alyas Tim at alyas Pam.

"'Yung Tim ang nagbebenta, katulong ang asawa niya. Matagal na raw, kaso wala pang naglalakas-loob dati na magsumbong. Buti na lang may nakuha kaming impormante," aniya.

Giit ni Tim, hindi siya nagbebenta ng droga kundi gumagamit lang nito.

"Sa akin po 'yung drugs... ginagamit ko lang po," aniya.

Sinisi naman ni Pam si Tim sa pagkaaresto nila.

"Ito na nga nadamay na ako. Kawawa po mga anak ko. Wala nang mag-aalaga," aniya.

Nahuli rin sa operasyon ang tatay ni Tim at 3 niyang kaibigang lalaki na nagda-drug session umano sa loob ng bahay.

"Ang masama pati kami nadamay eh kumakain kami. Di ko naman alam na may drugs na ganun," depensa ng tatay ni Tim.

Aminado naman ang ilang kaibigan ni Tim na gumagamit sila ng droga.

Sasampahan sila ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.—Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.