Magtiyuhin, tanod patay sa pamamaril sa Sampaloc

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2019 02:42 AM | Updated as of Jul 18 2019 04:53 AM

MAYNILA (UPDATE)—Patay ang magtiyuhin at isang barangay tanod sa magkahiwalay na pamamaril sa Sampaloc, Maynila nitong linggo.

Binaril si Joel Aquino, 31 anyos, ng riding-in-tandem sa Barangay 464, Zone 46 Miyerkoles ng hapon.

Base sa imbestigasyon ng Sampaloc Police Station, habang bumibisita ang biktima sa lamay ng kamag-anak malapit sa kanto ng Quezon Boulevard at Lerma St., Sampaloc, bigla na lang sumulpot ang 2 salarin na sakay ng itim na motorsiklo.

Binaril din nitong Lunes sa parehong lugar ang tiyuhin niyang si Juanito Baful.

Isang itim na SUV naman ang getaway vehicle ng mga salarin na pinagbabaril si Baful at ang kumpare nitong si Reynaldo Caguioa na barangay tanod.

Ayon kay Police Lt. Edgardo Alombro, commander ng Uba Police Community Precinct, nasa drugs watch list ang 3 biktima ng pamamaril.

Onsehan sa droga ang isa sa mga tinitingnang motibo ng pulisya.

Lumabas din sa imbestigasyon na parehong kalibre .45 na baril ang ginamit sa 2 insidente. 

Isasailalim sa cross-matching ang mga narekober na basyo ng bala para malaman kung iisang baril din ang ginamit ng mga salarin.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.