Lalaking namamahid ng semilya para manghipo ng babae, tinutugis

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2019 10:08 PM

Watch more in iWantTFC

Nagbabala ang Quezon City Police District (QCPD) sa kumakalat na modus kung saan nagpapahid ng semilya umano ang isang lalaki sa kanilang target bilang paraan ng pangtsa-"chancing."

Ayon kay Rodrigo Soriano, station commander ng QCPD Station 2, una umanong magkukunwaring mabait ang lalaki bago punasan ang babae hanggang sa maseselang parte ng kaniyang katawan.

"Mag a-act siya as a good guy na pupunasan niya ito hanggang sa kung saan parte na ng maseselang katawan ng babae," ani Soriano.

Kabilang sa nabiktima ang estudyanteng si alyas "Liza" na naghihintay ng masasakyan pauwi ng North Avenue nang mangyari ang insidente.

Sinabihan umano siya ng lalaki na may nampahid sa bag niya ng semen.

"(Ang sabi sa akin) 'May nampahid ng semen sa iyo.' Ta's true enough may nakita po ako sa bag ko mabaho po siya and malansa 'yung consistency," ani Liza.

Noong una inakala raw niyang mabuti ang hangarin ng lalaki pero umabot daw ito sa pagtsa-"chancing."

"Pumitas siya ng dahon at yun ang pinahid sa akin sa shoulders ko, butt ko, likod ko batok ko habang ginagawa niya 'yun kasi I suspected something wrong na," aniya.

Paghawak umano ni Liza ng kaniyang bag ay nakita niyang basa ito at may malansang amoy.

Idinaan ni Liza sa social media ang nangyari sa kaniya at umabot ng halos 50,000 ang interactions nito.

Sa dami raw ng mga biktima ay gumawa pa raw sila ng group chat at nalaman nilang iisang lalaki lang ang nambiktima, at sa isang lugar lang sa Quezon City nangyari ang insidente.

Aabot daw sa 27 ang nabiktima ng suspek, ayon kay Liza.

Nagpadala umano kay Liza ang isang biktima ng CCTV footage kung saan tila kapareho ang ginawa sa kaniya.

Nagsampa na rin si Liza ng kasong acts of lasciviousness kontra sa suspek, na nakilala na ng pulisya.

--Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.