Empleyado ng munisipyo sa Sultan Kudarat, patay sa riding-in-tandem

Yen Mangompit, ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2019 08:13 PM

LAMBAYONG, Sultan Kudarat—Patay ang isang babaeng empleyado ng munisipyo matapos tambangan habang pauwi kasama ng mister, Miyerkoles ng hapon.

Nakilala ang nasawi na si Remesyl Valdez, 36, Clerk 3 ng business permits and licensing division sa bayan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinundo ang biktima ng kaniyang mister na si Renante sa trabaho at sinundan sila ng mga salarin nang pauwi na.

Pagdating sa Purok Pag-asa, Barangay Poblacion, tinabihan ng mga suspek ang sinasakyang motor ng mag-asawa at doon na pinagbabaril ang biktima.

Nakatakbo naman ang asawa ng biktima para humingi ng saklolo.

Naisugod pa sa ospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival dahil sa tama ng mga bala sa katawan.

Handa namang magbigay ng P100,000 pabuya ang alkade ng bayan para sa makapagtuturo sa pumaslang kay Valdez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.