Buntis, 5 iba pa timbog sa buy-bust sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2019 06:00 PM

Timbog ang 6 tao, kabilang ang isang 4 na buwang buntis, sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Rosario, Cavite noong Miyerkoles.

Naaresto ang 6 matapos lusubin ng pulisya ang isang apartment sa Barangay Bagbag I. Doon naaktuhan ang buntis na si Romelaine Africa, kinakasama niyang si Sherland Adriano, at apat iba pa.

Batay sa imbestigasyon, nangungupahan ang live-in partners at sila ang tinuturing na drug runners ng lugar.

Kagagamit lang din daw ng droga ng 6 bago ang buy-bust.

Higit 40 gramo ng hinihinalang shabu na nasa halos P300,000 ang halaga ang nakumpiska sa kanila.

Sa Baclaran pa umano nagmumula ang ibinibentang shabu ng mga suspek.

Hindi naman itinanggi ng mga suspek ang krimen.

"Kami lang ang inaasahan ng pamilya namin kaya pinasok namin ito," ani Adriano.

Pangako ng Cavite police, hindi na makakalaya ang anim dahil umano sa halaga ng nasamsam na droga sa kanila.

"Sa laki ng nakuhang drugs sa kanila hindi sila qualified sa plea bargaining agreement. Mabubulok sila sa kulungan sa kanilang pinaggagagawa," sabi ni Police Col. William Segun, provincial director ng Cavite police.

Kinasuhan na ang mga suspek ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.