Naantala ang pagbubukas ng mga establisimyento sa lugar dahil sa iniwang karton na puno naman pala ng basura. Roxanne Arevalo, ABS-CBN News
ILIGAN CITY - Nabulabog ang business district sa Barangay Poblacion dito sa siyudad Huwebes ng umaga matapos mapansin ng may-ari ng isang establisimyento ang abandonadong karton sa gilid ng kalsada.
Mabigat at nakatali umano ang karton.
Lalong tumindi ang pagdududa ng awtoridad nang makita sa CCTV ang pagparada ng isang sasakyan alas-5 ng umaga at pagdiskarga sa karton.
Nakahinga ang publiko nang hindi inupuan ng bomb-sniffing dog ang karton. Nang buksan, bumungad ang halo-halong basurang laman ng karton.
Nakahanap ang awtoridad ng mga resibo at package na may pangalan.
“Ilan sila sa ating person of interest. Ipapatawag natin sila at iimbestigahan,” sabi ni Police Capt. Ferdinand Destua, Station 5 Deputy Commander.
Inaalam na rin kung kanino ang sasakyang lulan ang nag-iwan sa karton base sa plate number na nakita sa CCTV.
“Utos talaga ni mayor na kasuhan ito ng public disturbance at paglabag ng Solid Waste Management Act,” sabi ni City Information Officer Jose Pantoja.
Pang ilang beses na raw ito na pagresponde ng awtoridad kung saan basura lang pala ang laman ng package na iniiwan. Ayaw naman nila ibaba ang kumpiyansa lalo’t ‘di pa tinatanggal ang Alert Level 5 status ng lungsod mula nang ideklara ito kasabay ng Marawi siege dalawang taon na ang nakakaraan.
Apat na oras din na naantala ang negosyo sa lugar dahil sa insidente.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.