Bahagi ng C3 Bridge sa Navotas isasara; 33,000 motorista apektado

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2019 08:30 PM

Pagsapit ng alas-11 ng gabi sa Sabado, Hulyo 20, ay pansamantala munang isasara ang northbound lane ng C3 Bridge sa Navotas, kung saan 33,000 ang mga sasakyang dumadaan araw-araw. 

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), gagawin na kasi ang NLEX-Harbor Link Segment 10 C3-R10 Section, na bahagi ng "Build, Build, Build" program ng gobyerno.

"Uunahin itong side na northbound... Pag sinara 'yan, 'yung kalahati magiging 2-way," ani MMDA General Manager Jojo Garcia.

Batay sa datos ng MMDA, sa 33,000 sasakyan ay halos 30 porsiyento o 7,000 dito ay mga truck kaya asahan na ang mabigat na trapiko sa lugar. 

"Remember itong kalsada na ito puro trak so you should expect really heavy, heavy traffic," babala ni Garcia. 

Sa kasagsagan ng partial closure, ang mga sasakyang mula C3 Road papuntang Radial Road 10 at vice versa ay padadaanin muna sa Dagat-Dagatan Avenue at Lapu-Lapu Avenue.

Ang mga trak kasi ang bibigyang prayoridad sa paggamit ng matitirang lane habang ginagawa ang tulay dahil may kasikipan ang mga daang gagawing alternate roads. 

Sa Nobyembre pa umano inaasahang matatapos ang construction.

Ginhawa naman ang pangako sa oras na matapos ang proyekto dahil bibilis daw ang biyahe kung galing ng norte.

—Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.