Tips sa paglilinis ng bahay sa tag-ulan

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2018 09:10 PM | Updated as of Jul 04 2019 06:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Tuwing kasagsagan ng tag-ulan, hindi na bago sa mga Pilipino ang perwisyo ng paglusong sa baha na minsan ay pumapasok pa sa mga bahay.

Sa Good Vibes sa DZMM, nagbahagi si Dan Alejandre, zero-waste campaign manager ng EcoWaste Coalition, ng tips sa paglilinis ng bahay matapos ang pagbaha.

“Siguruhin na walang maiiwang tubig lalung-lalo na sa mga lugar ng kabahayan na puwedeng pag-ipunan ng tubig. Hindi lang ito dahil sa mga daga, maging sa mga lamok na puwedeng magdulot ng dengue sa loob ng kabahayan,” ani Alejandre.

Aniya, sa paglilinis ng bahay, mabuting gumamit ng organic na panglinis tulad ng sukang puti o baking powder dahil mas mabisa itong magtanggal ng mikrobyo at siksik na dumi kaysa sa kemikal na panglinis.

Sa pagtatapon ng basura, ihiwalay ang mga nabubulok sa mga ‘di nabubulok.

“Siguraduhin natin na ma-segregate ng maayos [ang basura]. Ibig sabihin naka-grupo according sa klase ng basura itong mga ilalabas natin nang sa gayon ay mas madali siyang mapangasiwaan or makolekta ng mga waste collectors natin,” sabi ni Alejandre.

“'Wag ihalo 'yung mga nabubulok sa di nabubulok dahil kalimitan ito ay pinagmumulan ng mga langaw,” dagdag pa niya.

Maigi ring banlawan ng tubig ang mga kagamitang nalublob sa tubig baha upang masigurong walang maiiwang mikrobiyo na maaaring pagmulan ng sakit.

Patuyuin muna ang mga nabasang electrical appliances bago subukan kung gumagana pa ito.

“Kung gagamitin at susubukan, subukang gamitin sa labas ng bahay para hindi mag-cause ng sunog sa loob. Sakaling pumutok man ito, at least safe 'yung mga kasama natin sa loob. O ‘di kaya para sigurado, pumunta sa repair shop at mga nag-aasikaso ng mga appliances, dun nila patingnan,” sabi ni Alejandre.

Payo ni Alejandre, 'wag dalhin ang mga nasirang electrical appliances o e-wastes sa junk shop.

“Puwede po tayong kumontact sa DENR ng pinakamalapit [na industries] na puwedeng mag-manage ng e-waste o electronic waste,” aniya.

“Ito po kasing mga electronic waste ay mayroong laman na mga kemikal na delikado. 'Pag dinismantle o pinaghiwa-hiwalay at nabasag ang loob nito, may mga halong… component na chemical na delikado kapag na-expose 'yung fume nito o 'yung usok, at iniiwasan natin mangyari ‘yan,” paliwanag niya.

Bigyang importansiya rin hindi lamang ang kalinisan ng bahay kundi pati ang paligid nito.

Giit ni Alejandre, upang mapanatiling malinis ang kapaligiran, dapat bigyang pansin ng mga barangay ang paglilinis ng mga kanal na karaniwang tahanan ng mga daga.

“Kalimitan kapag dinudumihan natin 'yung kanal, napupuno ito ng mga mikrobyo, virus na pinagmumulan ng karumihan at doon nagkakaroon ng tahanan ang mga daga at dun din sila nakakakuha ng virus.”

Matatandaang tumataas ang kaso ng leptospirosis, isang sakit na nakukuha kung na-expose sa tubig na kontaminado ng ihi ng daga. 

“Ang payo po natin, Panatilihing malinis ang kanal. Palagiang magkaroon ng regular na paglilinis ng bawat barangay sa kani-kanilang lugar,” aniya.

Ayon kay Alejandre, dapat na ring mahigpit na ipatupad ng bawat munisipyo ang Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act na nagbabawal sa ilegal na pagtatapon ng basura upang tiyaking mapapanatiling malinis ang kapaligiran.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.