Status ng mga naantalang plaka, maaaring tingnan sa LTO website

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2018 09:52 PM | Updated as of Jul 04 2019 04:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maaari nang tingnan ng mga motorista sa website ng Land Transportation Office (LTO) ang availability ng may 8 milyon na naantalang mga plaka.

Ayon sa LTO, kinakailangan lamang na ipasok ang motor vehicle registration number na matatagpuan sa resibo ng motorista.

Sinimulan ng LTO kamakailan lang ang distribusyon ng plaka ng mga sasakyang nairehistro mula Hulyo hanggang Oktubre 2016.

"Kapag nakita nilang available na ang plaka nila, ipapakita saan at kelan puwede kunin, the usual documents lang naman kailangan ipasa," ani LTO Enforcement chief Francis Almora.

Matapos nito ay kinakailangang ipresenta ang OR/CR ng may-ari ng sasakyan. 

Dapat din daw humingi ng authorization mula sa nakarehistro ang kukuha kung hindi puwedeng pumunta ang may-ari ng sasakyan. 

'Technical difficulties' 

Ngunit may iilang raw na hindi mabuksan ang website, o kaya ay natatagalan bago magbukas ang web portal. 

Ayon naman sa ilan, wala pa ang pangalan nila sa mga puwede nang kumuha ng plaka. 

Paliwanag ng LTO, inaayos pa ng IT provider nila na Stradcomm ang site, at nahihirapan pa silang ayusin ang pagbukas nito sa iOS devices. 

Samantala, mga plaka pa lamang ng mga nagrehistro ng Hulyo at August 2016 ang naka-upload sa website. 

Nakasalalay naman sa Commission on Audit (COA) kung kailan puwedeng kunin ang mga naantalang plakang inirehistro bago mag-Hulyo 2016. 

--Jacque Manabat, ABS-CBN News. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.