Serbisyo ng PNR pansamantalang suspendido dahil sa baha

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2018 07:54 AM

MANILA - Pansamantalang sinuspinde ng Philippine National Railways ang lahat ng serbisyo nito, Miyerkoles ng umaga, dahil sa pagbaha mula sa ulan na dulot ng habagat. 

Sinabi ng pamunuan ng PNR sa Twitter na binaha ang main south line ng railway sa Maynila. Iaanunsyo nila alas-9 ng umaga kung maaari nang magbalik sa normal ang kanilang operasyon. 

Nitong Martes, kinansela at ipinagpaliban din ng PNR ang ilang biyahe dahil sa mga pagbaha sa kasagsagan ng pag-ulan na dala ng habagat na pinalakas ng Bagyong Henry. 

Nakaalis na ang bagyo sa bansa, pero inaasahang magpapatuloy ang mga pag-ulan dahil palalakasin ng isang low pressure area o namumuong bagyo ang habagat, ayon sa state weather bureau. 

Pasado alas-6 ng umaga, nagtaas ang PAGASA ng orange rainfall warning sa Metro Manila, Rizal, Bataan, at Zambales. Ito ang ikalawang pinakamataas sa 3-step alert at nangangahuluhang maaaring pasukin ng baha ang mga bahay. 

Nakataas naman ang pinakamababang yellow rainfall warning sa Pampanga, Tarlac, Bulacan, Cavite, Nueva Ecija, at northern Quezon, kung saan maaaring bahain ang mabababang lugar. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.