Pulis patay nang maaksidente sa ginagawang tulay sa Zamboanga

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2018 11:19 AM

Sa ginagawang tulay na ito sa Napuyan sa Barangay Lapu-lapu sa bayan ng Piñan sa Zamboanga del Norte naaksidente si PO3 Osias Zamora na nagresulta sa kaniyang pagkamatay. Dynah Diestro, ABS-CBN News

PIÑAN, Zamboanga del Norte – Agad na binawian ng buhay ang isang pulis matapos maaksidente sa ginagawang tulay ng Napuyan sa Barangay Lapu-Lapu, Linggo ng gabi.

Nagtamo ng pasa at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan si PO3 Osias Zamora nang tumilapon mula sa minamanehong motorsiklo.

Papunta sana sa Dipolog City Police Station ang pulis para mag-duty nang maganap ang aksidente.

Madilim sa lugar na pinangyarihan ng aksidente at kulang umano sa warning signs. 

Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), naglalagay sila ng warning sign sa lahat ng kanilang proyekto pero ilang beses na itong nawala. Reflectorized din anila ang mga pinturang ginamit sa mga warning sign upang makita ito agad kapag nailawan ng mga motorista.

Target ng DPWH na tapusin ang ginagawang rehabilitasyon sa tulay bago matapos ang buwan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.