People's initiative para 'maharang' ang 2019 elections, pinalutang ni Alvarez

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2018 09:32 PM

Pinalulutang ngayon ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang planong idaan na lang sa people's initiative ang pagsusog o pag-emyenda sa Saligang Batas, o charter change (cha-cha) na aantala sa nakatakdang Mayo 2019 elections. 

Ang people's initiative ay isa sa tatlong paraan ng pag-amyenda ng Konstitusyon, bukod sa constituent assembly at constitutional convention. 

Ito ang suhestiyon ni Alvarez matapos salungatin ng Senado at mga miyembro ng Consultative Committee (ConCom) ang kagustuhan niyang magpasa ng batas upang iurong ang halalan para umano "makapag-focus" ang mga mambabatas sa cha-cha.

"Mag-umpisa tayo sa 'no election'. Amyendahan natin 'yong provision na iyan. Kung ayaw ng Senado, puwede namang people’s initiative," ani Alvarez sa programang "Kabayan" sa DZMM.

Nauna nang umani ng batikos ang panukala ni Alvarez.

"Sa isip lang ni Alvarez 'yun pero hindi mangyayari," patama ni ConCom member at dating Senate President Aquilino "Nene" Pimentel.

"Meron akong libro na Constitutional law...Alangan naman na baguhin ko pa 'yun," ayon pa kay ex-Supreme Court Justice Eduardo Nachura, isa ring ConCom member. 

May paalala rin si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa pinalulutang na ideya ni Alvarez, na aniya'y labag sa Konstitusyon.

"Ang [people's initiative] ay para lamang sa minor amendments. Ang pagpapalit ng termino ng mga officials ay major amendment...Sa akin po, dadalhin natin ito sa Korte Suprema," ani Drilon.

Banat naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, hindi dapat minamadali ang pagpasa sa draft federal Constitution.

"It took us a year to deliberate on the Bangsamoro organic law. Ano pa kaya 'yung total overhaul ng bansa in terms of political structure of government," aniya.

Sa Martes inaasahan nang maglalabas ng pangkabuuang posisyon ang Senado tungkol sa cha-cha at pederalismo pagkatapos ng isasagawa nilang all-senators' caucus. —Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.