Patay na pawikan natagpuan sa karagatan ng El Nido

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2018 04:55 PM

Wala umanong sugat o tanda na sinaktan ang pawikan pero hinihinala ng awtoridad na nakakain ito ng basura na inakala nitong pagkain. Larawan mula kay Jayr Morales


EL NIDO, Palawan – Wala nang buhay nang matagpuan ang isang pawikan na napadpad sa pampang dito sa bayan nitong Lunes.

Ayon sa lokal na pamahalaan, walang nakitang sugat o anumang senyales na sinaktan ang pawikan kaya hinala nilang nakalunok ito ng basurang inakalang pagkain.

Isinusulong na rin ng munisipyo ang pagbabawal sa paggamit ng plastic bottles at plastic na supot sa pamimili.

Sa bayan naman ng Coron, malaking hamon pa rin ang basura sa karagatan.

Tinutuligsa ng ilang netizen ang umano'y kapabayaan ng lokal na pamahalaan ng Coron sa problema sa coastal areas.

Kuwestiyonable rin umano ang pangakong pabahay para sa mga naninirahan malapit sa dagat na sinalanta ng bagyong Yolanda.

Ayon kay Coron Mayor Ajerico Barracoso, inihahanda na ang national housing project na pinondohan ng national government para sa relocation site ng mga naninirahan sa coastal areas.

Aminado naman ang mga environmentalist na hindi basta-basta mawawala na lang ang problema sa basura at paggamit ng plastic.

Pero sana umano ay makitang kumikilos ang mga lokal na opisyal para matugunan ang problema.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.