Delayed o kaya'y walang natanggap na alerto sa ulan? NDRRMC nagpaliwanag

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2018 10:37 PM | Updated as of Jul 04 2019 04:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagpaliwanag ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ukol sa delayed na rainfall alert messages o kaya'y iyong mga hindi talaga nakatanggap ng alerto sa kanilang cellphone ukol sa nagbabadyang buhos ng ulan.

Ayon sa NDRRMC, lima hanggang 10 minuto lang ang koordinasyon nila ng PAGASA pero ang delay ay nasa pagpapadala ng alerto.

"Ang nakikita ko pa dito na di naman problema but the challenge ay 'yon pa ring congestion ng pagpapadala ng mga kaibigan natin sa telcos. 'Yong technology kasi is a work in progress. Dati kung mapapansin niyo, we started with nothing," ani Dr. Edgar Posadas, tagapagsalita ng NDRRMC.

Kuwento ng mobile phone user na si Janet Gutierrez, ala-1:30 na ng hapon nang matanggap niya ang orange rainfall alert ng NDRRMC na alas-9 pa ng umaga ipinadala.

Sa dual SIM na cellphone naman ng mister ni Gutierrez, sa isang network lang pumasok ang alerto ng NDRRMC.

Wala raw pumasok sa isa pa niyang network SIM.

Sabi ni Gutierrez, malaking tulong sana kung makararating agad sa kanila ang mga ganitong alerto para na rin makapaghanda sila agad.

Batay sa kategorya ng PAGASA, ang orange rainfall alert ay babala para sa "intense rain" o matinding pag-ulan sa loob ng isang oras at maaaring magpatuloy pa sa susunod na dalawang oras.

Ayon sa mga eksperto, karamihan naman sa smart phones at ilang Android phones, naka-default o nakabukas na ang emergency alert.

Dalawang sistema ang ginagamit ng Smart sa alert messages nito: Ang SMS o text at emergency cell broadcast system (ECBS) na mas mabilis.

Iyon nga lang, hindi lahat ng cellphone ay "capable" o puwedeng tumanggap ng ECBS at wala rin daw utos na pare-pareho ang tunog ng alerto.

"Kasi ngayon, dahil walang regulasyon d'yan, iba-iba ho 'yong signal. 'Yong iba maingay, 'yong iba naman hindi kasing ingay. 'Yong iba naman walang signal," ani Ramon Isberto, public affairs head ng Smart at PLDT. 

Noon pang Disyembre 2017, sinimulan naman ng Globe ang commercial mobile alert system para anila matiyak na makaabot agad ang alerto sa mga apektadong subscriber pero marami pa rin ang dumadaan sa pamamagitan ng SMS.

"In December 2017, Globe commercially put in service CMAS to ensure customers in affected areas receive broadcast alerts within five seconds. This technology does not require a database of customers' mobile numbers unlike SMS," pahayag ng Globe Telecom.
    
Tumanggi sa interview ang National Telecommunications Commission dahil NDRRMC daw ang nakatutok sa alerts.

Aminado naman ang NDRRMC na marami pang dapat maisaayos sa sistema.

Sa kalaunan, target ng NDRRMC na maging mandato ang alerto pati sa TV at radyo para mas maraming Pilipino ang makapaghanda sa paparating na sakuna.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.