Dating barangay chairman, patay sa pamamaril

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2018 12:49 PM

Nakikipagkuwentuhan lamang ang biktima nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Barangay Mias sa bayan ng Katipunan, Zamboanga del Norte. Dynah Diestro, ABS-CBN News

KATIPUNAN, Zamboanga del Norte – Patay ang dating chairman ng Barangay Mias dito sa bayan matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem malapit sa kaniyang bahay, Lunes ng gabi.

Nakikipagkuwentuhan si Omar Bayron sa mga kapitbahay sa isang tindahan nang pagbabarilin siya.

Ayon sa kapatid ng biktima na si Jinky Bayron, napansin nilang may mga bagong mukhang umaaligid sa lugar na kunwari ay nagbebenta ng kung ano-ano ilang araw bago ang insidente.

Pinakahuli ang lalaking naka-helmet na tumigil mismo sa bahay ng biktima at doo’y tila nagte-text pa. Agad ding umalis ito nang mapansin ng mga residente.

Ayon sa pulisya, dati nang sumuko si Bayron dahil sa ilegal na droga at kasama sa listahan ng narco-politicians. 

“Kasama din naming tinitingnan ngayon ang anggulong pagkaka-involve niya dati sa ilegal na droga,” ani PO3 Noel Suliman.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad kung ano ang motibo at sino ang nasa likod ng pamamaril. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.