ALAMIN: Mga rutang iwas-trapik sa SONA 2018

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2018 03:03 PM

Sa darating na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes ay inaasahan ng pulisya ang sari-saring kilos-protesta at pagtitipon ng mga grupo na tiyak magdudulot ng trapiko.

Ayon sa hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na si Chief Superintendent Guillermo Eleazar, ikinasa na nila ang iba't ibang plano para sa magiging tugon sa trapiko sa Lunes.

Planong isara ng mga pulis ang Commonwealth Avenue sa lane papuntang Fairview mula tapat ng Ever Gotesco Mall at gawing two-way ang kabilang lane nito.

Nagpahayag na kasi ang mga raliyista na sa Commonwealth Avenue na lang nila balak magdaos ng programa at hindi na lalapit pa sa Batasang Pambansa. 

Abiso naman sa mga motorista, maaaring daanan ang ilang alternatibong ruta para hindi maipit ng trapiko sa araw ng SONA.

Para sa mga manggagaling sa Quezon Memorial Circle na nais pumunta sa Fairview, maaaring dumaan na lang sa North Avenue at kumanan sa Mindanao Avenue.

Maaari ring pumasok sa Visayas Avenue tagos sa Congressional Road at saka lumabas sa Mindanao Avenue.

Mula rito, maaaring kumanan sa Old Sauyo Road at kaliwa sa Regalado Avenue o kaya sa Chestnut Street palabas ng Fairlane na tatagos rin sa Commonwealth Avenue. 

Sa mga manggagaling naman ng Fairview papuntang Quezon Memorial Circle, maaaring kumanan sa Fairlane o Regalado Avenue palabas ng Old Sauyo Road. 

Kumaliwa naman sa Mindanao Avenue at pumili na lang kung lalabas sa North Avenue o Visayas Avenue.

—Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.