2 lalaking umaming ginahasa ang babaeng kainuman, sumuko

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2018 04:12 PM

NAGA CITY- Sumuko sa mga pulis ang dalawang lalaking umamin sa panggagahasa sa isang 18-anyos na babae noong Lunes.

Humingi ng kapatawaran sa biktima ang dalawang suspek na sina Michael Jay Imperial, 22, at ang 18-anyos na si John Rovic Kyle Yu. 

Ayon kay Yu, nakainom daw sila kaya nila nagawa ang krimen.

"Humihingi po kami ng sorry sa lahat ng ginawa namin," ani Imperial.

Ayon sa pulisya, kasama ng biktima ang tatlong kaibigan sa isang bar sa lungsod at nag-inuman ng tatlong oras noong Lunes ng hapon.

Matapos ang inuman, sinakay ang biktima sa motorsiklo at imbes na ihatid sa bahay ay dinala sa bahay ng isa sa mga suspek, ani PO1 Joni Marie Bobis, imbestigador ng kaso.

Dagdag pa ni Bobis, kinumpirma na rin ng doktor na ginahasa nga ang biktima.

Walang piyansa ang kasong panggagahasa na inihain laban sa mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.