2 bata nalunod sa Cagayan

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2018 01:18 AM

Dalawang bata ang nalunod sa isang sapa sa bayan ng Lasam, Cagayan nitong Martes ng tanghali.

Kinilala ang mga ito bilang sina Regine Tacis at Sunshine Cabus, parehong 13 anyos at Grade 8 students.

Ayon kay PO2 John Galiza, suspendido ang pasok sa eskwelahan ng mga bata dahil sa masamang panahon.

Sa halip namang pumirmi sa kanilang bahay, nagpaalam daw ang mga biktima na kukuha ng prutas na bugnay. Pero nagkayayaan sila na maligo sa sapa.

“Nakita pa raw ng ibang naliligo sa ilog na pinasan sa likod nung isa dalagita yung kaniyang kaibigan,” ani Galiza.

Pero hindi na lumitaw ang mga bata. Natagalan pa raw bago may sumaklolo dahil isang kilometro raw ang layo ng sapa.

Tinitingnan din ang posibilidad na kaya hindi nailigtas ang mga bata ay dahil sa maaaring maling paraan ng pagbibigay ng paunang lunas.

Ibayong pagbabantay ng mga magulang at pag-iingat ang payo ng awtoridad para maiwasan ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.