2 babae sugatan sa pananaksak ng kapitbahay sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2018 08:56 PM | Updated as of Jul 19 2018 08:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATED) Isang sinasabing drug user ang pinaghahanap ng mga awtoridad matapos pagsasaksakin umano noong madaling araw ng Lunes ang dalawa niyang babaeng kapitbahay.

Ayon kay Bacoor police head Superintendent Vicente Cabatingan, sumuko noong Oktubre 2016 sa Oplan Tokhang ang 20 anyos na suspek sa pananaksak kina Charmane Medina at Jennivell De Jesus.

Habang natutulog ang dalawang biktima, pinasok umano ng suspek ang bahay. Una umano nitong pinagsasaksak gamit ang dalang bread knife si Medina bago atakihin si De Jesus, na nagising dahil sa kaguluhan.

Nagtamo ng mga hiwa at pasa sa ulo at katawan ang mga biktima, na hanggang ngayon ay hindi pa rin maisip kung bakit sila inatake ng suspek.

Sinubukan ng ABS-CBN News na humingi ng pahayag mula sa pamilya ng suspek pero tumanggi ang mga ito.

Ayon sa kanila, hindi pa nakauuwi sa bahay ang suspek matapos ang insidente.

Ayon naman kay Cabatingan, selos ang tinitingnan motibo sa pananaksak.

"Nag-iinuman daw noong gabing iyon... itong biktima may mga anak na dalagita. May mga hitsura din. Parang nagbitaw yata ng salita 'yong isang dalagita, na parang may gusto itong suspek sa kaniya," ani Cabatingan.

Kinasuhan nitong Huwebes ng multiple frustrated murder ang suspek.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.