Magkapatid na babae, arestado sa buy-bust operation sa Quezon City

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2017 04:19 AM | Updated as of Jul 19 2017 10:10 AM

Arestado ang magkapatid na babae sa isang buy-bust operation sa Barangay Pinyahan, Quezon City, Martes ng gabi.

Nakilala ang magkapatid na sina Dyan Tomaroy alias "Baba" at Thalia Tomaroy.

Ayon kay Superintendent Pedro Sanchez, hepe ng Quezon City Police Department (QCPD) Station 10, nahuli ang magkapatid sa kanto ng East Avenue at V. Luna Street sa tapat ng isang fastfood restaurant.

Ang magkapatid umano ang nasa likod ng bentahan ng droga sa mga hotel at motel sa Cubao.

Itinanggi ng dalawa ang paratang at iginiit na napag-utusan lamang sila kapalit ang P500.

Nitong Marso lamang ay nahuli na si Dyan Tomaroy dahil din sa pagtutulak ng droga.

Narekober sa magkapatid ang 3 sachet ng hinihinalang shabu at P500 buy-bust money.

Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

-Umagang Kay Ganda, ika-19 ng Hulyo 2017.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.