Lalaking nakipaglamay, patay sa pamamaril

Denis Agcaoili, ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2017 06:54 PM

QUIRINO- Patay ang isang lalaki matapos barilin sa Diffun, Quirino Sabado ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Randy Alfredo, residente ng Bagabag, Nueva Vizcaya.

Base sa imbestigasyon, pumunta ang biktima sa Barangay Aurora West, Diffun para makipaglamay sa namatay na pamangkin.

Nang paalis na siya sa lamayan ay binaril siya ng suspek na si Gemie Pascua.

Lumalabas rin sa imbestigasyon na nagkainuman pa sina Pascua at Alfredo. Nagkaroon umano ang dalawa ng hindi pagkakaintindihan dahil sa sobrang kalasingan.

Giit naman ni Pascua, hindi sila nag-inuman ni Alfredo. Kinausap lamang umano niya ito dahil nanggulo sa lamayan.

Pag-aari rin umano ni Alfredo ang baril na naagaw lang ni Pascua.

Ipinila na sa piskalya ang reklamong homicide laban kay Pacua.

Paalala ng pulisya, iwasan ang paglalasing na puwedeng humantong sa hindi pagkakaunawaan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.