Ilang grupo, binigyan na ng grado si Duterte bago ang SONA

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2017 06:34 PM | Updated as of Jul 18 2017 11:45 PM

Binigyan na ng grado ng ilang grupo si Pangulong Rodrigo Duterte, bago pa man ang State of the Nation Address (SONA) niya ngayong Hulyo 24, Lunes. 

Para sa Freedom from Debt Coalition (FDC), bagsak ang Pangulo dahil bigo siyang baguhin ang programa ng nakaraang administrasyon pagdating sa inclusive growth.

"Sa tingin namin hawak pa rin ang kapangyarihang politika at kapangyarihang pang-ekonomiya ay hawak pa rin ng mga mayayaman... sila pa rin ang nagdidikta kung ano ang magiging economic policies ng ekonomiya, politics direction ng pamahalaan," ani Dr. Eduardo Tadem, pangulo ng FDC.

Negative 10 percent naman ang net approval rating na ibinigay ng environmental groups kay Duterte, ayon sa Eco-Challenge Report 2017.

Mas mababa ito ng 70 porsiyento, mula sa positive 60 net approval rating na ibinigay sa kanyang pagkapanalo noong Mayo 2016.

Ayon sa report, maganda ang mga reporma ng administrasyon sa mining industry sa ilalim ni dating Department of Environment and Natural Resources Secretary Gina Lopez.

Thumbs up din sila dahil nakakapangisda na ulit ang mga Pinoy sa Panatag Shoal matapos kausapin ang China.

Pero sa kabila nito, marami pa silang nakikitang hindi natutugunan ng Pangulo.

"There are already 18 cases of environment related killings--mga kilala sa pagtutol sa envrionment issues tulad ng minahan... mga katutubo," ani Leon Dulce, convener ng Eco-Challenge Report 2017.

"Ang lumalabas ay marami pang issue labas sa pagmimina na nakakaapekto sa kalikasan. Ito ay hamon sa Duterte administration na magkaroon ng mas enforced na environmental programs sa susunod na mga taon," dagdag pa ni Dulce.

Dumalo naman sa presentasyon ng report si dating DENR Secretary Lopez. 

Naniniwala si Lopez na tapat ang Pangulo nang bantaan ang mga mining company na nakasisira sa kalikasan.

PNP, patuloy ang paghahanda para sa SONA

Samantala, patuloy ang paghahanda ng Philippine National Police (PNP) para sa darating na SONA ni Pangulong Duterte ngayong Hulyo 24. 

Katulad noong isang taon, bukas din sa mga magpoportesta ang SONA ni Duterte ngayong taon at wala ang mga container van at barbwire na karaniwang pangharang sa mga nagra-rally. Wala ring shield, baton at baril ang mga pulis.

Maximum tolerance din ang ipatutupad sa higit 10,000 inaasahang magkikilos-protesta sa Lunes.

“Of course, mayro’n pa rin security. May SWAT d’yan, fire and mobile jails from PNP -- in case may manggulo, we have to make arrests,” ani National Capital Region Police Office Director Oscar Albayalde.

-- Ulat ni Carolyn Bonquin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.