Conjoined twins sa Isabela, pumanaw na

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2017 09:16 PM

Naihatid na sa huling hantungan sina Precious Miracle at Princess Miracle sa San Agustin, Isabela nitong Hulyo 15.

Pumanaw na nitong Hulyo 11 ang conjoined twins na ipinanganak noong Marso 16 sa San Agustin, Isabela.

Nang malaman ng publiko ang kondisyon nina Precious Miracle at Princess Miracle, bumuhos ang tulong para sa operasyon na makapaghihiwalay sa kanila.

Kaya mula Isabela, ibiniyahe ang kambal papuntang Chinese General Hospital sa Maynila.

Pero matapos masuri ng mga doktor, bumalik muna ng San Agustin ang kambal.

Ayon sa ina ng kambal na si Rochelle Laverinto, payo ng doctor na kailangan munang palakihin ang mga bata hanggang sa isang taong gulang bago ito sumailalim sa operasyon.

Mag-aapat na buwan na sana ang kambal nang bigla silang pumanaw noong Hulyo 11.

Nagkaroon daw ng sinat ang kambal noon at nang lapitan niya ito ay wala na silang buhay.

Hindi na raw nila dinala sa doctor ang kambal matapos magka-sinat dahil kadalasan naman daw ay gumagaling agad ang mga ito.

Wala ring lumabas na sakit ang kambal sa kanilang mga buwanang check-up.

Ayon kay Dr. Eddie Domingo na nagsagawa ng post mortem examination sa kambal, nagkaroon umano sila ng cardio respiratory arrest secondary to sudden infant death syndrome.

Noong Sabado, naihatid na sa kanilang huling hantungan ang conjoined twins.

Labis na nangungulila sa kanila si Rochelle, pero pilit siyang nagpapakatatag para sa iba pang anak.

Nagpapasalamat din ang pamilya sa lahat ng mga tumulong at nagmalasakit sa kanilang mga anghel.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.