Bigas, P6,000 kada sako sa katabing bayan ng Marawi

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2017 07:32 PM | Updated as of Jul 18 2017 11:56 PM

Hindi lang Marawi ang labis na apektado ng bakbakan. 

Ramdam din ng kalapit-bayan nitong Ditsaan Ramain ang pait ng sigalot.

Sa munisipyo nito, nag-aabang ang daan-daang residenteng naghahanap ng pagkain. Mayroong pamilyang may walong miyembrong naghahati na lang sa iisang lata ng tuna.

Ang presyo ng bigas doon, pumalo na sa P6,000 kada sako. Tumataas pa lalo ang presyo ng mga natitirang supply dahil hindi maipasok sa bayan ang mga dagdag-supply. Kailangan kasing dumaan sa war zone para lang maibiyahe ang mga produkto.

Apektado na rin pati ang kalusugan ng mga residente. Dalawang bata na ang namamatay dahil sa diarrhea. Ang ilang maysakit, hindi makahanap ng lunas dahil kulang na rin ang supply ng gamot sa lugar.

Magdadalawang buwan na ring walang kuryente roon.

Mula rin nang sumiklab ang gulo sa Marawi, nawalan na ng kabuhayan at negosyo sa bayan.

Anang alkalde ng Ditsaan Ramain, di man direktang nakaranas ng karahasan ang mga residente roon, lubhang nahihirapan din sila ngayon sa sitwasyon, tulad ng mga ‘bakwit’ mula sa Marawi.

Nitong Martes, Hulyo 18, ibibiyahe na sana ang nasa 3,000 sako ng relief goods mula sa provincial government pero hindi pinayagan ng militar dahil delikado pa ang biyahe papunta sa Ditsaan Ramain.

Minsan na ring tinamaan ng air strike ang bayan. Nawasak ang kanilang gymnasium na ngayo’y may uka matapos ang mga pagsabog.-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.