Baril at bala, nakumpiska sa dating alkalde sa Palawan

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2017 03:45 AM

PALAWAN - Natimbog ng police Criminal Investigation Detection Group at Palawan Provincial Intelligence Branch ang isang dating alkalde sa Barangay Punta Baja, Rizal.

 

Sa bisa ng search warrant na ibinaba ni Judge Angelo Arizala ng Branch 52 ng Palawan Regional Trial Court, nagsagawa ng search operations sa bahay ng dating alkalde na si Alrie Nobleza na nagmamay-ari ng baril na walang kaukulang dokumento.

Nadiskubre sa tahanan ni Nobleza ang isang M-16 rifle, isang .22 caliber rifle, at isang kalibre .45 na baril na paso na ang lisensya.

Nakuha rin ang ilang mga magazine at mga bala.

 

Ayon sa mga otoridad, nasabihan na umano si Nobleza na i-renew ang lisensya at iparehistro ang mga nasabing baril ng mga magsasagawa ng Oplan Katok.

Paliwanag naman ni Nobleza, naibalik na niya ang apat niyang baril na walang rehistro at ibabalik na daw sana niya ang mga nakumpiska sa Biyernes.

Sa Camp Crame sa Maynila pa daw kasi kumukuha ng permit at wala itong oras para mag-asikaso.

Ayon pa kay Nobleza, ang mga baril ay para sa proteksyon niya at ng kanyang pamilya.

Isa din umano si Nobleza sa mga "high-value target" pagdating sa iligal na droga.

Aminado naman si Nobleza at kusa na din itong sumuko at nagpa-imbestiga sa mga pulis. Walang naman narekober na droga dito.

Haharap si Nobleza sa kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.