5 umano'y tulak, timbog sa Santiago City

Denis Agcaoili, ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2017 09:45 PM

ISABELA- Limang pinaghihinalaang tulak ng ilegal na droga ang nahuli sa magkakahiwalay na drug buy-bust operation sa Santiago City, Isabela Lunes ng gabi.

Unang nahuli sa pagbebenta umano ng shabu ang magkaibigang sina Ronald Prudenciano at Williard Abuan sa Barangay Sinsayon.

Ibinenta umano ni Prudenciano ang isang sachet ng shabu sa halagang P500 sa poseur-buyer na pulis.

Nakumpiska naman kay Abuan ang isang sachet ng hinihinalang shabu nang kapkapan ng mga pulis.

Timbog din si Alvin Torres matapos umano niyang magbenta ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Mabini.

Nakuhanan din ang kasama niyang si Dante Cogay ng isang sachet ng hinihinalang shabu.

Sa isa pang hiwalay na buy-bust operation sa Barangay Mabini, timbog si Dale Harris Valdez dahil sa pagbebenta rin ng isang sachet ng hinihinalang shabu.

Ayon sa hepe ng pulisya na si Chief Inspector Rolando Gatan, pare-parehong "newly identified drug personality" ang limang nahuli.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.