Airport porter nagsauli ng naiwang bag, pera

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2016 08:47 AM

MANILA - Pinapurihan ang isang airport porter sa Tacloban City matapos siyang magsauli ng bag ng isang pasahero, na may lamang mahigit P21,000.

Kumakalat ngayon sa social media ang litrato ni Ricardo Moreno, na 21 taon nang porter.

Kwento ni Moreno, naglilinis siya ng sahig sa arrival area nang makita ang isang kahon sa ibaba ng conveyor belt.

Kinuha niya ito at agad ibinigay sa security guard.

Nang buksan ang kahon, nakita dito ang nasa P21,000 cash at mga personal na gamit.

Ang katapatang nagawa ni Moreno ay ibinahagi sa social media ni Dorothy Ann Bael, empleyado ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Nakakuha ang Facebook post ni Bael ng mahigit 4,000 "likes" at nasa 70,000 "shares".

Ayon sa pamunuan ng paliparan, naibalik na sa hindi nagpakilalang may-ari ang bagahe at pera. Nagpasalamat din umano ito kay Moreno. -- Ulat ni Geron Ponferrada, ABS-CBN News, Tacloban City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.