3 umano'y carjacker ng taxi, patay sa bakbakan

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2016 10:22 AM

MANILA - Patay ang tatlo sa apat umanong carjacker na nakipagbarilan sa mga pulis sa Quezon City, Lunes ng madaling-araw.

Kwento ng taxi driver na si Danilo Saring, pinara siya ng apat na suspek sa Philcoa area bandang ala-1:30 ng umaga at nagpahatid sa Don Antonio.

Pagdating sa tapat ng isang bangko, nagdeklara umano ng holdap ang mga suspek. Hinubaran umano ng mga ito si Saring, itinali ang kanyang mga kamay at piniringan.

Nagtalo pa umano ang apat kung bubuhayin pa o hindi ang 59-anyos na driver.

"Nagmakaawa ako. 'Yung isa, medyo mabait. 'Yung isa, patayin na natin, sabi," ani Saring.

Kinalaunan, itinapon ng mga suspek nang hubad si Saring sa Commonwealth Avenue.

Tinangay nila ang taxi pero hinabol sila ng mga rumespondeng pulis.

Sa Batasan-San Mateo Road naabutan ang mga suspek, pero sa halip na sumuko ay nakipagpalitan ng putok ang mga ito.

Napaslang ang tatlong suspek habang nakatakas ang isa pa nilang kasamahan.

Narekober ang ninakaw na pera at cellphone ng driver.

Nakakuha rin ng isang pakete ng hinihinalang shabu mula sa mga suspek. -- May ulat nina Ernie Manio at Hajji Kaamiño, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.