2 motorsiklo nagliyab matapos magbanggaan

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2016 08:40 AM

MANILA - Nasunog ang dalawang motorsiklo matapos magbanggaan sa Makati City, Lunes.

Nagliyab ang mga ito sa lakas ng salpukan sa Buendia corner Paseo De Roxas Avenues, pasado alas-12 ng umaga.

Kwento ng mga nakakita, nagmula sa Buendia at papuntang Kalayaan Avenue ang isang motorsiklo habang ang nakasalubong nito ay galing Kalayaan at papuntang Paseo De Roxas.

Isa umano sa kanila ang umandar pa kahit pula na ang traffic light kaya sila nagbanggaan.

Tumagal ng halos limang minuto ang pagliliyab ng mga motor bago naapula.

Sugatan ang parehong driver na sina Aron Jordan Tallada at Ricardo Peroy.

Iimbestigahan pa ng pulisya kung sino ang may kasalanan sa insidente.

May mga CCTV camera naman sa pinangyarihan ng salpukan ngunit sira ang mga ito.

Wala namang ibang nasugatan sa insidente. -- April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.