PatrolPH

Ilang bahagi ng Mariveles sa Bataan binaha

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2021 03:21 PM

Ilang bahagi ng Mariveles sa Bataan binaha 1
Binaha ang ilang lugar sa Barangay San Isidro na malapit sa ilog dahil sa pag-ulang sa Marivelez, Bataan. Larawan mula kay Jay-Czar Cruz La Torre

Ilang barangay sa bayan ng Mariveles, Bataan ang nalubog sa baha sa kasagsagan ng malakas na pagbuhos ng ulan, Sabado ng umaga.

Sa Barangay Baseco, abot isang talampakan ang taas ng tubig kaya usad-pagong ang mga sasakyan na nauwi sa matinding traffic. 

Hirap ang ilang commuters na nag-aabang ng sasakyan habang ang ilang motorista tumirik sa gitna ng baha.

Nalubog din sa baha ang Barangay San Isidro na malapit sa ilog kaya ilang mga residente na rin ang lumusong at nagtulong-tulong na rin na alisin ang bara sa ilog.

Ayon naman sa PAGASA, ang pag-ulan ay epekto ng hanging habagat at ng bagyong Fabian.

“Malakas po kasi ’yung southwest monsoon d’yan. ’Yung habagat dulot po ng low pressure d’yan sa West Philippine Sea at saka itong si bagyong Fabian," sabi ni Manuel Esguerra Jr., chief meteorologist ng PAGASA-Clark.

"’Yung si bagyong Fabian walang direktong epekto. ’Pag hinihila nga ni habagat ito, ’yung habagat na nagpaapa-ulan sa atin."

Dagdag pa ni Esguerra na asahan ang maulang weekend dahil na rin sa habagat. 

Posible namang lumabas na sa Philippine area of responsibility ang bagyong Fabian sa Martes na kasalukuyan ay nasa extreme Northern Luzon. — Ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.