'Walang katumbas': ABS-CBN Dagupan reporter nagpahayag sa pagiging isang Kapamilya

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2020 03:28 PM | Updated as of Jul 17 2020 04:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Para kay ABS-CBN Dagupan reporter Elaine Fulgencio, walang katumbas ang ligaya na kanyang nararamdaman kapag nakapagbibigay-serbisyo bilang isang Kapamilya. 

"'Yung joy na makapagbigay ng serbisyo sa Kapamilya mo, walang katumbas 'yun. Hindi mo 'yun makikita sa ibang trabaho. 'Di ko alam, 'di ko ma-explain pero pangarap ko ito ever since bata pa ako. Tapos 'yung pangarap na 'yun ninakaw,” sinabi ni Fulgencio sa ABS-CBN Teleradyo nitong Biyernes.

Ayon kay Fulgencio, 6 taon nang nasa serbisyo sa ABS-CBN, inaasahan man ngunit masakit para sa kanila ang tuluyang marinig na hindi na magpapatuloy ang kanilang operasyon maski sa online. 
Ito'y matapos tanggihan ng 70 mambabatas ang pagbigay ng panibagong prangkisa sa ABS-CBN. 

"In-expect na rin namin ‘yan pero kahit na alam mo na ‘yung mangyayari, masakit pa rin kapag narinig mo mismo na wala na. Alam mo na eh pero masakit pa rin kapag narinig mo. Ganoon pala talaga ‘yon," ani Fulgencio. 

"Lahat kami ngayon talagang nagluluksa kasi lahat kami nawalan ng pangalawang tahanan. … Ang sakit lang isipin na lahat kami mawawala … ‘yung samahan kasi ang hirap na bigla na lang mawawala ‘yung nakasanayan niyong gawin,” dagdag pa niya. 

Ayon kay Fulgencio, ang asawa rin niya ay nawalan ng trabaho sa ABS-CBN Baguio at kasalukuyang naghahanap ng trabaho para buhayin ang kanilang 5 buwan na anak.

"Sobrang sakit ‘yung husband ko from ABS-CBN Baguio naman siya, so 2 kaming natanggal and may baby kami ngayon. ... TOC siya roon, at sabay kaming naregular, 2 years ago tapos sabay din kaming mawawala, sobrang sakit,” ani Fulgencio.

"‘Yong asawa ko naghahanap na ngayon ng pwedeng maging trabaho kasi kailangan talaga lalo’t may baby na nga na bubuhayin. Kailangan makapaghanap agad ng work at makapag-ready para mabigay pa rin ang mga pangangailangan," dagdag pa niya.

Kwento rin ng reporter, mahirap din para sa kanilang pamilya na mawalan bilang nakasayan na rin nila ito sa kanilang buhay. 

"Hanggang ngayon nasa process pa rin kami na tanggapin ‘yung pangyayaring ito. Masakit talaga kasi hindi lang siya trabaho, part na siya ng buhay mo, routine, hindi na lang siya trabaho, parang part ng sarili mo nawala," dagdag pa niya. 

Ayon kay Fulgencio, mahirap para sa kanilang rehiyon sa North Luzon na mawala ang network bilang isa sa pinagkukuhanan ng impormasyon ng mga residente.

"Made-deprive ‘yong mga Kapamilya natin na binibigyan natin ng serbisyo sa North Luzon lalo na ‘yung talagang sumusubaybay sa atin simula nga nung nakaranas tayo ng shutdown sa pagbo-broadcast sa TV hanggang sa social media talagang tumututok pa rin sila kahit na ganoon pa ‘yong nangyari sa’tin," aniya.

Ganito man ang naging kinahantungan ng mga pangyayari, baon-baon ni Fulgencio ang mga aral ng ABS-CBN sa kanya.

"Nawala man tayo sa ere, nawalan man tayo ng trabaho, ‘yung lesson na binibigay ng ABS-CBN, hinding-hindi nila mananakaw ‘yun sa’tin. Kahit saan tayo magpunta, dala-dala natin ‘yung core values natin."

Aabot sa 30 manggagawa ng ABS-CBN Northern Luzon ang mawawalan ng trabaho dahil sa pagkabigo nitong magkaroon muli ng prangkisa.

Sinusuong ng ABS-CBN Northern Luzon team ang mga istoryang nagaganap sa Pangasinan, Ilocos Norte, Ilocos Sur at La Union maski na rin sa Baguio, Tarlac at Nueva Ecija, ayon kay Fulgencio.