Tanod na nanloob sa milk tea shop sa Pasay ginulpi ng taumbayan

Jerome Lantin, ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2020 06:24 PM | Updated as of Jul 17 2020 10:10 PM

Nagawa niya daw ang krimen dahil kailangang magkapera para masundo ang asawa sa probinsiya. Screengrab

MAYNILA — Arestado ang isang barangay tanod sa Pasay City matapos tangkang pagnakawan ang isang milk tea shop noong Miyerkoles ng gabi.

Mag-iisang buwan pa lang bukas ang milk tea shop ni Abby de Leon sa Barangay 136 pero muntik na itong maging mitsa ng kaniyang buhay. 

Sa kuha ng CCTV ng barangay, kita ang pagpasok ng lalaking nakamaskara sa shop. Narinig ng mga kaanak at kapitbahay ni De Leon ang komosyon kaya agad silang rumesponde. 

Ang hindi nakunan ng CCTV, ang buong tapang na pakikipagbuno ni De Leon, na isang Air Force reservist, laban sa pumasok na kawatan. 

Watch more in iWant or TFC.tv

"Nung nakita niyang nakapatong 'yung bag, akala niya siguro walang tao sa loob.. Nakita ko na siya galing sa likod. Natakot ako, pero pinairal ko yung presence of mind na I need to fight. Nung sasaksakin na niya ako that was the time na nakakuha ako ng chance na i-headlock na siya," ani De Leon. 

Nang matanggal ang maskara ng suspek, laking gulat ni De Leon na kakilala niya pala ang nagtangkang sumaksak sa kanya. 

"Nung natanggal ko 'yung mask niya, that was the time na na-recognize ko siya na nakakasama ko siya during my relief ops, tanod siya dito," ani De Leon.

Bugbog ang inabot sa mga residente ng suspek na kinilalang si Jefferson Ramirez.

Una na pa lang sinubukang utangan ni Ramirez ang biktima noong Martes, pero hindi siya napagbigyan dahil nagastos na rin nito ang kaniyang pera para makapagbukas ng negosyo. 

Tanod sa katabing Barangay 137 ang suspek. Dati siyang nagtatrabaho sa junk shop pero nawalan ng hanapbuhay mula nang ipatupad ang community quarantine. 

Nagawa niya daw ang krimen dahil kailangang magkapera para masundo ang asawa sa probinsiya. 

"Hindi ko alam sa sarili ko bakit ano... Kasi gipit na gipit ako eh gusto niyang magpasundo sa Lucena. Wala akong maanong tulong," ani Ramirez.

Sabi ng barangay chairman ng Bgy. 136, nagkasa na ng fund drive kay Ramirez pero hindi ito naintay ng suspek. 

"I heard nagkakaroon na ng contribution 'yung katabing barangay para sa kaniya... Kung bakit hindi na lang niya nahintay... Siguro depression at iba’t ibang factors rin," ani Krissy de Guia. 

Humingi na ng tawad ang suspek sa biktima, pero tuloy ang reklamo sa kaniyang robbery at illegal possession of deadly weapon. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.