PatrolPH

Para sana noong Mayo: Ika-2 bugso ng SAP wala pa sa kalahati ang nabigyan

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2020 08:54 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Kakarampot pa lang o 3.2 milyon sa tinatayang 17 milyong target beneficiaries ang nakatanggap ng ikalawang bugso ng cash aid sa ilalim ng social amelioration program (SAP) ng pamahalaan pang-alalay sana sa epekto ng pandemyang COVID-19.

Nakatakda sana noong Mayo pa ang ayuda, pero ngayong Hulyo na, iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na malayo-layo pa ang naaabot nila sa kanilang target.

Ang 1.3 milyon sa mga nakatanggap ay benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na may cash card na.

Ayon sa tagapagsalita ng DSWD na si Irene Dumlao, tali ang kanilang kamay dahil may mga lokal na pamahalaan ang hindi pa rin nakapagbibigay ng kanilang liquidation report para sa naunang bugso ng SAP.

"Kailangan magsumite ng LGUs ng liquidation report, kasama na diyan yung encoded list ng beneficiaries. Hinintay natin na mai-submit ito ng local government units. And this list had to undergo a validation. Ito ay upang matiyak natin na iyong mga nabigyan ng ayuda for the first tranche are indeed eligible and qualified," ani Dumlao. 

Ayon sa DSWD, 96 percent ng LGUs ay nakapag-liquidate na, at kaunti na lang din ang inaantay na encoded list ng mga benepisyaryo.

Dagdag nila, inaasahang bago matapos ang Hulyo ay maabutan na ang 80 porsiyento ng benepisyaryo.

"Conservative target natin by the end of July, makakapag-80 percent na tayo ng ating distribution ng aid. Nakikita natin that in geographically isolated and disadvantaged areas, ganoon din doon sa mga conflict affected areas and in remote areas na walang payout centers ang ating financial service providers, where in we will have to be conducting direct payouts, nakikita na matatapos ito by middle of August."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.