PatrolPH

'Panibagong unos' dama ng ABS-CBN regional reporters sa pagpaalam sa kanilang mga himpilan

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2020 09:50 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Mahigit 30 taon naghatid ang Regional Network Group (RNG) ng serbisyong publiko at balita sa iba't ibang sulok ng bansa, partikular na sa pagtutok sa iba't ibang sakuna at kalamidad.

Pero ngayon, panibagong unos ang haharapin ng mga regional reporter ng network giant matapos inanunsiyo na titiklop na ang RNG kasunod ng pagbasura ng Kongreso sa aplikasyon ng prangkisa ng Kapamilya Network. Apektado rito ang higit 20 news bureaus sa bansa.

Gabi-gabi, sa loob ng 30 minuto, naghahatid sila ng balita sa probinsiya.

Maging sila ay nagiging biktima ng kalamidad, gaya ng nangyari sa ABS-CBN Tacloban noong 2013 nang manalasa ang Bagyong Yolanda at nang bahain ang opisina ng ABS-CBN Dagupan dahil sa Bagyong Pepeng.

Disaster din ang madalas suungin ng mga taga-ABS-CBN Legazpi na nasubok dahil sa pagsabog ng Bulkang Bulusan at Mayon, gayundin ang mga bagyo gaya ng Reming.

Hindi rin bumitaw ang ABS-CBN Baguio sa kuwento ng lindol at landslide gayundin ang mga taga-Bacolod noong magkaroon ng Negros quake noong 2012.

Bakbakan naman at mga delikadong assignment ang hinarap ng mga taga-ABS-CBN Cotabato at Zamboanga mula nang sila'y magsimula.

Tagumpay din ng lahing Pilipino ang ipinamalas ng ABS-CBN General Santos.

RNG stations din ang frontliners at unang volunteers kapag mag-aabot ng tulong sa mga nasalanta.

Dumating din ang punto na umabot sa 20 local version ang TV Patrol hanggang sa naging 12 bago ang shutdown noong Mayo 5.

Watch more News on iWantTFC

Nagbigay naman ng kanilang saloobin at binalikan ng mga reporter sa regional bureaus ang kanilang mga karera bilang reporter ng ABS-CBN.

Ang ABS-CBN Legazpi reporter na si Jose Carretero, binalikan ang mga panahong nag-cover sila ng mga sakuna at naghahatid ng balitang kailangang malaman ng mga taga-Bicol, maging ng buong bansa.

Nakita rin ni Carretero ang hagupit ng bagyo, at galit ng mga bulkan. Pero isang unos ang hirap siyang harapin.

Ang masakit para kay Carretero, ay hindi sila nagkita-kita ng kaniyang mga kasama para palakasin ang loob ng bawat isa lalo't may pandemya.

"Dinedicate mo na ang oras mo para sa paghahatid ng balita. hindi pa nagsi-sink-in. alam naman natin na tayo lang ang isa sa mga nakukunan ng balanse," ani Carretero.

Pero ang pinakakawawa para sa kaniya, ang mga manonood na mawawalan ng access sa impormasyon.

Tatlong anak ang pinag-aaral ni Carretero at kailangan niyang magpakatatag para sa kanila.

Nagsimula naman bilang cameraman sa ABS-CBN Tacloban si Ranulfo Docdocan. Naging reporter siya hanggang sa naging anchor ng TV Patrol Eastern Visayas na 13 taon niyang pinaglilingkuran.

Sa kasagsagan ng paghambalos ng Bagyong Yolanda noong 2013 nang mag-cover siya sa Guiuan, Eastern Samar, dalawang araw silang naglakad ng kaniyang crew pabalik ng Tacloban para ihatid ang balita ng hagupit sa bayan.

Tinamaan pa siya ng leptospirosis.

"Nauuna pa tayo sa bagyo. Nandito tayo sa trabahong ito, kumakalap ng balita. talagang nagsumikap kami na makabalik. dala-dala namin ang materials para maipakita sa gobyerno ang nangyari nung tumama ang Bagyong Yolanda sa Eastern Samar," ani Docdocan.

Bagong bagyo ang kinahaharap niya ngayon dahil sa sinapit ng ABS-CBN.

"Siguro mas matindi pa sa Yolanda. Mahirap maging ganito, wala na. pagkatapos ng ilang taon, ito yung mangyayari. Siguro nga matatanggap na malakas yung Yolanda. ito yung bagyo ngayon na mas super dahil marami ang mawawalan ng hanapbuhay, kaligayahan," ani Docdocan.

Para sa kaniya hindi dapat humantong ang lahat sa hindi pag-renew ng prangkisa ng kompanya.

"Wala namang perpektong tao, korporasyon, kumpanya, kahit ang gobyerno hindi perpekto. Siguro kung merong nakitang mali, bakit hindi pag-usapan, gawan ng paraan. sana ang inalala nila ang mga kapakanan ng mga empleyado at mga umaasa sa ABS-CBN lalo na sa mga lugar na tayo lang ang nakakaabot dun. ABS-CBN lang Kapamilya channel ang nagbibigay ng impormasyon at pag-asa. Iisang channel ang napapanood nila--paano na yun? yung gobyerno dapat positive yung approach," ani Docdocan.

Kapapanganak lang ni Elaine Fulgencio na reporter ng ABS-CBN sa Dagupan.

Problemado siya ngayon, lalo't kasama niya ang mister niyang sa ABS-CBN Baguio na mawawalan ng trabaho.

Labis din ang hinagpis ng News Chief ng ABS-CBN Zamboanga na si Queenie Casimiro na mawawala ang TV Patrol sa Zamboanga, na kauna-unahang TV news sa Chavacano.

Bukod sa pagbibigay ng balita, nagbibigay din ng serbisyong publiko ang ABS-CBN sa Zamboanga.

"Hindi alam ng karamihan, we have monthly activities na ginagawa sa ibang areas, medical missions. yung far-flung areas na hindi abot ng check-up. ito yung mga serbisyo na mawawala. hindi lang tayo ang nawalan ng trabaho, pati mga sineserbisyuhan natin," ani Casimiro.

Hindi rin maisip ng ABS-CBN reporter na si Francis Canlas kung saan siya magta-trabaho.

"Si misis nga kagabi ang tanong sa akin ano na ang mangyayari sa atin? hindi ko pa siya masagot," ani Canlas.

Hanggang katapusan na lang ng Agosto mapapanood ang iba't ibang regional na TV Patrol.

-- Ulat nina Israel Malasa at Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.