PatrolPH

Pagsipa sa Lopezes sa ABS-CBN motibo sa pagkitil ng franchise: Makabayan bloc

RG Cruz, ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2020 06:29 PM | Updated as of Jul 17 2020 10:02 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Pinagbibintangan ng Makabayan bloc sa Kamara ang administrasyon na nais lang pala nitong sipain ang pamilya Lopez mula sa ABS-CBN kaya inipit at pinatay na ang prangkisa ng Kapamilya network.

Puna ng Makabayan bloc, sa bibig mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte nanggaling na ipagbili na lang ng mga may-ari ng kompanya ang ABS-CBN. 

"Itong ABS, mag-expire ang contract ninyo. Mag-renew kayo, ewan ko lang kung may mangyari diyan. Kung ako sa inyo, ipagbili niyo na 'yan," ani Duterte noong Disyembre 2019, bago pa patayin ang prangkisa ng network noong isang linggo. 

Inulit ng isa sa mga mambabatas na bumoto kontra sa franchise renewal ng ABS-CBN ang naturang mensahe ni Duterte.

"My suggestion to the Lopez family, they just sell the corporation and if they really love the 11,000 employees or more, and they really want to serve the Filipino people, ibenta na lang nila iyong kompanya," ani House Deputy Speaker Luis Raymund "LRay" Villafuerte nitong Biyernes. 

Aniya, susuportahan pa niya ang aplikasyon ng prangkisa ng network basta't iba na ang namumuno dito. 

Pero ayon sa Makabayan bloc, mukhang ito talaga ang tunay na pakay kaya inipit ang prangkisa ng network: ang mapalitan ang mga may-ari ng himpilan ng mga kakampi ng administrasyon.
    
Ito'y kahit ilang beses na sinabi ng ABS-CBN na hindi for sale ang network.

"Sini-single out ang economic base or hawak ng mga Lopezes para sa mga interesadong kakampi or kaalyado ng kasalukuyang administration. Lumalabas talaga na ngayon ang proposals ay echoing the statements of President Duterte na talagang di bibigyan ng prangkisa kahit ilang beses na ini-spin," ani Bayan Muna Rep. Carlos Zarate. 

"Yung sinasabi na ilipat sa iba or ibenta sa iba, iyun naman talaga ang plano all along, ibigay sa favored lalo na ang frequency," ayon naman kay Gabriela Rep. Arlene Brosas.

"Dinagdagan pa ng blackmail. Jobs were held hostage. [Ang] hidden agenda [ay] gusto pagsilbihan ang nasa kampo ng administrasyon," giit naman ni Kabataan Rep. Sarah Elago.

"Ito ay talagang insulto, di lang sa Lopezes kundi sa 11,000 manggagawa. Talagang makikita naman natin, proven talaga ang haka-haka na plinano dahil itong minumungkahi ng admin kaugnay ng ABS-CBN, ito ay insulto," sabi naman ni ACT Teachers Rep. France Castro.
 
Inaasahan ng Makabayan bloc na ibibida ng Pangulo sa kaniyang darating na State of the Nation Address ang pagsasara ng ABS-CBN bilang tagumpay laban oligarkiya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.